Saturday, June 27, 2015

Payapa Sa Lugar Namin Noon

PAYAPA SA LUGAR NAMIN NOON
ni Kislap Alitaptap
01-02 Hulyo 2010

“Hindi ako natatakot na mamatay, para sa henerasyon ng Sityo Buntog.” -Ka Jojo

Payapa sa lugar namin noon.
Nagagawa pa naming pumarada sa eskuwela
Upang mag-aral sumulat, at magbasa.
Hanggang sa dumating sa aming paaralan
Ang mga mamang nakasotana,
Sotana ng bala.

Payapa sa lugar namin noon.
Nakakatulog kami ng walang alalahanin.
Hanggang sa magsagawa ng medical mission
Sa madaling araw, habang wala pang gising,
Ang mga Manggagamot ng Dilim.

Payapa sa lugar namin noon.
Kahit naglulumaa’t iilan lamang
Ang mga nakalambiting larawan sa dingding.
Hanggang sa kami’y bulagain ng panakaw na
Kislap ng mga kamera; sa aming mga mukha,
Pati sa harap at likod ng aming mga dampa.

Payapa sa lugar namin noon.
Gaya ng pagtula’t pag-awit ng mga ibon.
Hanggang sa ang aming pandinig ay basagin
Ng ingay, mula sa de-gasolinang lagare
At sa paghiyaw ng mga minamasaker
Na mga puno ng niyog.

Payapa sa lugar namin noon.
‘Sing payapa ng aming mga ngiti, habang
Iniluluwas ang mga produkto. Hanggang
Sa ang aming mga hakbang ay harangin,
At pagbawalang makapasok
Ang mga bagong pagkain.

Payapa sa lugar namin noon.
‘Sing payapa ng palakpakan ng mga dahon
Ng niyog, habang nagdaraan ang hangin.
‘Sing payapa ng tilaok ng mga manok,
Habang nanggigising sa madaling araw.

Hanggang sa dumating ang mga kapulisa’t
Kasundaluhan. Hanggang sa pumasok
Ang mga nag-sasarbey ng lupa, ang mga
Arkitekto ng golp kors, at ang mga inhenyero
Ng Land Conversion.

Kung noon ay tinuruan kami ng payapa
Upang maging mapayapa.
Ngayo’y itinuturo nito sa aming yakapin
Upang mailigtas, ang mga puno ng niyog.
Ngayo’y itinuturo nito sa amin kung paano
Mag-usap na hindi naririnig ng hangin.
Ngayo’y itinuturo nito sa amin kung paano
Maghasa’t magwasiwas ng sundang
Sa nakalukob na kulambo ng dilim.

*Binasa ang tulang ito sa Gabi Ng Mga Tula at Pakikisalamuha na idinaos ng PLUMAHE sa UCCP Haran, kasama ang mga bakwit mula sa Talaingod at Kapalong, Davao del Norte.

No comments:

Post a Comment